
Dalawa ang patay habang lima ang nakaligtas sa isang landslide sa Barangay Bariis, Matnog, pasado alas-12 ng madaling araw, Enero 17, 2026. Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer na si Ed Tumangan, natutulog ang mga biktima nang madaganan sila ng malaking bato.
Mahirap ang retrieval operation dahil sa mga malalaking bato at pader na tumabon sa mga biktima. Inabot ng limang oras bago nakuha ang kanilang mga labi, pasado alas-7 ng umaga. “Nasa pito po sa loob ng bahay, dalawa ang hindi nakaligtas, magkatabi sa tulugan,” ani Tumangan.
Ayon sa MDRRMO, 22-anyos ang lalaking biktima habang 19-anyos naman ang kanyang kasamang babae, residente ng Pasig City. Nagta-trabaho umano ang babae sa may-ari ng bahay. Ang limang nakaligtas ay walang sugat at nailigtas ng maayos.
Ang landslide ay sanhi ng lumambot na lupa dulot ng sunod-sunod na pag-ulan. “Nasa likod ng bundok ang bahay, may harang na pader at bato na tumama sa kanila,” paliwanag ni Tumangan. Bagaman hindi kalakasan ang ulan noong mangyari ang landslide, naipon na ang shearline effect sa lugar.
Sa kasalukuyan, ayon kay Tumangan, pabugso-bugso lang ang nararanasang pag-ulan sa Matnog. Patuloy ang monitoring ng MDRRMO para sa kaligtasan ng mga residente at maiwasan ang karagdagang sakuna sa lugar.




