
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Caloocan, regular ang garbage collection sa lungsod kahit may kumakalat na ulat ng naipong basura sa ilang lugar matapos ang holiday season. Pinabulaanan ito ni Barangay 174 Chairman Gilbert Rivera, na nagsabing dalawang beses kada araw ginagawa ang koleksyon sa kanilang barangay.
Aniya, “Regular po ang koleksyon dito sa aming barangay. Dumadaan ang truck ng lungsod at may staff akong naka-assign para mag-guide sa area. Sa main road naman, nagpapadala rin ang city. Ang koleksyon po ay umaga hanggang 8am at gabi 9–10pm, hindi lang sa main road kundi pati sa ibang kalsada.”
Aminado si Rivera na tumataas ang dami ng basura tuwing Pasko at Bagong Taon dahil sa maraming selebrasyon, kaya mayroong temporary adjustments sa schedule ng koleksyon. Dagdag niya, “Simula December hanggang January, may long vacation kaya may adjustments. Pero sa ikalawa o ikatlong linggo ng Enero, bumabalik sa normal ang koleksyon.”
Binigyang-diin rin ng barangay chairman ang kahalagahan ng disiplina ng mga residente sa paglabas ng basura. “Huwag muna ilabas ang basura kung wala pa ang truck. Regular naman ang hakot ng basura sa aming barangay, pero ang pinakamahalaga, tumulong sa city at barangay sa tamang pagtatapon ng basura.” Ayon sa CEMD, may daily collection sa pangunahing kalsada at dalawang beses kada linggo para sa mga inner-barangay.
May ilang residente na nagreklamo na lumalala ang problema dahil sa mga taong nagtatapon ng basura mula sa ibang lugar. Ayon kay Renz, isang residente, “Sana hintayin na lang ang koleksyon ng basura. Minsan, hindi taga-dito ang nagtatapon, kaya naaapektuhan kami, lalo na ang matatanda.” Pinayuhan din ng pamahalaan na maaaring pagmultahin ng ₱500–₱5,000 ang sinumang mahuling nagtatapon ng basura sa maling lugar.




