
MANILA — Mariing pinabulaanan ni Senador Erwin Tulfo, vice chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ang pahayag na may ipinataw umanong limitasyon sa pagtatanong sa mga pagdinig kaugnay ng anomalya sa flood control projects. Ayon kay Tulfo, walang naganap na caucus o pulong sa pagitan ng minority at majority na magtatakda ng ganitong restriksyon.
Dagdag pa niya, bilang chairman ng komite, si Senador Panfilo “Ping” Lacson ang may huling pasya sa daloy ng pagdinig, at wala siyang narinig na pagbabawal sa pagtatanong tungkol sa malalaking personalidad. Binigyang-diin ni Tulfo na nananatiling malaya ang mga senador na maglatag ng mahahalagang katanungan sa loob ng saklaw ng imbestigasyon.
Tungkol naman sa usapin ng tinaguriang Cabral files, sinabi ni Tulfo na wala pa siyang tiyak na impormasyon sa magiging hakbang ng pamunuan ng komite. Inaasahang magpupulong ang mga miyembro bago ang pagbubukas ng sesyon sa Enero 26, kung saan maaaring isagawa ang isa o dalawang karagdagang pagdinig at ihahanda ang ulat ng komite para sa pinal na pagsusuri.




