
Ang drayber na nag-viral matapos umanong manakit ng mag-amang nagtutulak ng kariton sa Antipolo City ay sinuspinde ng LTO.
Ayon sa ulat, nasagi umano ng puting pickup truck ng drayber ang mag-ama sa Barangay San Roque Tulay. Sa video, makikita ang drayber na hinampas ang ulo ng ama habang umiiyak ang bata matapos mahulog sa kariton.
Agad namagitan ang nag-upload ng video kasama ang ama upang pigilan ang insidente bago umalis ang drayber. Naganap umano ang gitgitan nang biglang sumulpot ang pickup truck sa kalsada.
Kinundena ni LTO Chief Asec. Markus Lacanilao ang pananakit at nag-utos ng show cause order. Ipinatupad din ang 90-araw na preventive suspension sa lisensya ng drayber habang iniimbestigahan ang kaso.
Pinagpapaliwanag ang drayber at ang may-ari ng sasakyan kung bakit hindi dapat i-revoke ang lisensya. Ayon kay Lacanilao, dapat managot ang drayber kung totoo ang paratang, at tiniyak ng ahensya ang hustisya sa publiko.




