
Ang powerhouse Brazil ay nanguna sa unang apat na koponang pumasok sa quarterfinals matapos ang anim na araw ng laban sa FIFA Futsal Women’s World Cup (FFWWC) Philippines 2025. Habang patuloy ang aksyon, walo pang teams ang naglalaban para sa natitirang apat na puwesto.
Pinakita ng Brazil ang lakas nito sa 6-1 na panalo laban sa Italy, na nagbigay sa kanila ng back-to-back wins sa Group D at sigurado nang upo sa quarters kahit may isang laro pa. Kasunod na teams na nakasiguro ng maagang pag-usad ay ang Portugal, Spain, at Argentina matapos makuha ang top seeds sa kanilang mga grupo.
Tinalo ng Portugal ang Asian champion Japan, 4-1, para umabot sa anim na puntos. Samantala, parehong nag-book ng kanilang Last-8 spots ang Argentina at Spain matapos ang kani-kanilang pangalawang panalo.
Umiinit naman ang labanan para sa natitirang slots. Maghaharap ang Poland at Morocco, parehong may tig-tatlong puntos, para sa Group A second spot. Ang host team na Filipina5, na may dalawang talo, ay inaasahang may mataas na morale dahil sa historic goals nina Inday Tolentin at Cathrine Graversen, at haharap sa undefeated na Argentina.
Sa mga susunod na araw, magtatapat ang Thailand vs. Colombia, Japan vs. Tanzania, at Iran vs. Italy para makuha ang huling puwesto sa quarterfinals. Gaganapin ang quarterfinals sa Lunes at Martes, at ang mga mananalo ay tutuloy sa semifinals sa December 5.




