
Ang KTM at Husqvarna ay naglabas ng fuel cap recall para sa ilang modelo matapos makita ang posibleng fuel leak. Kasama sa recall ang 2024 KTM 125, 250, 390, at 990 Duke, pati na rin ang Husqvarna Svartpilen at Vitpilen 125, 250, at 401. Ayon sa KTM, ang problema sa fuel cap seal ay maaaring magdulot ng tagas na posibleng magbigay-panganib sa sunog.
Kahit wala nang opisyal na PH distributor mula Oktubre 1, 2025, tiniyak ng KTM Austria na puwede pa ring pumunta ang mga Filipino riders sa pinakamalapit na authorized KTM o Husqvarna dealer para sa inspeksyon at pagpapalit ng piyesa. Sinabi rin nila na malapit nang ianunsyo kung sino ang bagong hahawak bilang “KTM PH.”
Ayon kay Sarah Parzer, Senior Integrated Communication Manager ng KTM, magpapatuloy pa rin ang serbisyo sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga lokal na partners. Wala umanong dapat ipag-alala ang mga customers dahil tuloy pa rin ang after-sales support.
Para masigurong kasama ang inyong motor sa recall, hinihikayat ang mga may-ari na i-check ang kanilang VIN at Delivery Certificate Number sa KTM service site. Puwede itong gawin bago pumunta sa dealer para mas mabilis ang proseso.
Sa ngayon, inaabangan ng riders kung sino ang magiging bagong distributor, pero tiniyak ng KTM na mananatili ang serbisyo para sa lahat ng apektadong customers.




