
Ang indie-alternative band na IV Of Spades ay opisyal na nagbalik sa eksena sa pamamagitan ng kanilang bagong album na ‘Andalucia’, na mapapakinggan na ngayon sa lahat ng digital streaming platforms. Ito ang unang album ng banda matapos ang anim na taon mula sa ‘CLAPCLAPCLAP!’ noong 2019.
Ang ‘Andalucia’ ay may 12 kanta, kabilang ang mga naunang inilabas na “Aura,” “Nanaman,” “Konsensya,” at “Suliranin.” Ang “Aura” ay umabot sa ika-4 na pwesto sa Billboard Philippines Hot 100 noong Agosto 2025. Ang bagong kantang “Monster” naman ang itinuturing na lead single ng album—isang makulay at matinding rock anthem na halo ng retro at modernong tunog.
Ibinahagi ng banda na ang bagong album ay simbolo ng kanilang pagkakaibigan at pagkakabuo muli bilang grupo. Anila, “Kailangan muna naming ayusin ang sarili at samahan bago bumalik sa paggawa ng musika. Mas masaya na ngayon at mas malinaw na ang direksyon.”
Ang mga tema ng album ay umiikot sa buhay, mga pagkakamali, at emosyon na madalas hindi napag-uusapan. Kasama rin sa tracklist ang mga kantang “Tara,” “Karma,” “Tamis ng Pagkakamali,” at “Tangerine Boulevard.”
Magkakaroon ng dalawang gabi ng concert ang IV Of Spades sa Mall of Asia Arena sa Disyembre 12 at 13, 2025, kung saan unang maririnig nang live ang mga bagong kanta at mga binagong bersyon ng kanilang mga klasikong awitin.




