
Ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ay nag-ulat na ilang website ng mga bangko sa bansa ang sinubukang atakihin noong Nobyembre 5. Ito ay bahagi ng global protest day ng mga hacker, ngunit ayon sa DICT, walang matagumpay na DDoS attack na naganap hanggang tanghali ng araw na iyon.
Ayon kay DICT Secretary Ivan John Uy, ang pinakamaraming DDoS attempts ay naitala sa banking sector, pero wala pa ring bangkong nakaranas ng operational disruption. Patuloy pa rin ang normal na serbisyo ng mga bangko sa kabila ng mga tangkang pag-atake.
Ipinaliwanag ng DICT na kahit magkaroon ng matagumpay na DDoS attack, walang pera o data ang mananakaw. Ang pinakaepekto lamang ay pansamantalang hindi magagamit ang website o app ng bangko. Sa ngayon, nananatiling maayos ang operasyon ng karamihan sa mga digital services.
Nagpahayag din ang DICT ng plano nitong magbigay ng “safe harbor” program para sa mga Filipino hackers na gustong tumulong sa pamahalaan laban sa mga banyagang banta. Sa ilalim ng programang ito, hindi sila huhulihin kung ang layunin nila ay protektahan ang bansa sa mga cyberattack.
Dagdag pa ni Secretary Uy, patuloy ang digital bayanihan ng pamahalaan para mapalakas ang cybersecurity ng bansa. Ayon sa kanya, ito ang pangmatagalang solusyon upang mapanatiling ligtas ang cyberspace ng Pilipinas.




