Ang Culiat High School sa Quezon City ay nagsagawa ng malawakang disinfection at paglilinis bilang proteksyon laban sa influenza-like illness. Naglagay rin sila ng hand sanitizers sa iba’t ibang lugar ng paaralan. Ayon kay Principal Dr. Ammar Torrevillas, may ilang estudyante na may sintomas ng ubo at sipon, ngunit kakaunti lang ang apektado kada baitang.
Bukod sa kalinisan, inayos din ang mga walkway at sementado na ang mga daanan upang mas ligtas ang mga estudyante kung sakaling may lindol. Nagkaroon din ng mga go bags para sa agarang evacuation kung kinakailangan.
Sa Pasay City, personal na ininspeksyon ni Mayor Emi Calixto-Rubiano ang T. Paez Elementary School para tiyakin ang earthquake preparedness. Ipinakita ang mga desk na puwedeng gawing silungan at mga classroom na may hard hats at emergency kits.
Samantala, sa Laguna, sinuspinde ang face-to-face classes mula Oktubre 14 hanggang 31 bilang pag-iingat sa banta ng West Valley Fault. Ayon kay Governor Sol Aragones, mas pinili nilang maging preemptive para sa kaligtasan lalo na sa mga lugar na may fault line.
Sinuri rin ng mga awtoridad ang 60-year-old building ng Sampaloc Elementary School upang matiyak ang tibay ng istruktura ng bawat silid-aralan. Layunin ng lahat ng hakbang na ito na masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral.