
Ang Croatia ay nag-aalok ng mataas na sahod at de-kalidad na trabaho para sa mga Pilipino sa ilalim ng government-to-government (G2G) hiring program. Ayon sa opisyal, nasa 30,000 hanggang 40,000 trabaho ang kailangan lalo na sa turismo, konstruksyon, at healthcare.
Sinabi ni Ivan Vidis, State Secretary for Labor ng Croatia, na masaya silang tanggapin ang mga Pilipino dahil kilala sila sa sipag at pagiging adaptable. Dagdag pa niya, tataas pa ang sahod at kasalukuyang nasa humigit-kumulang ₱97,000 kada buwan ang karaniwang netong sweldo.
Mag-uumpisa ang unang batch ng mga aplikante sa sektor ng turismo, kung saan malaki ang demand ng mga hotel. Pagkatapos, palalawakin ang programa sa konstruksyon at iba pang industriya. Tiniyak din ng dalawang bansa na ang proseso ng recruitment ay walang bayad at dumadaan sa ligtas at legal na paraan.
Bukod sa magandang sahod, may posibilidad din ang mga Pilipinong magtrabaho nang matagal sa Croatia na makakuha ng residency o citizenship. Ayon kay Vidis, madali ring makibagay ang mga Pilipino dahil sa kanilang family-oriented at faith-centered na kultura. Dagdag pa niya, isa ang Croatia sa mga pinakaligtas na bansa na may magandang kalikasan at maayos na pamumuhay.