
Ang kilalang soul at R&B musician na si D'Angelo ay pumanaw sa edad na 51 dahil sa pancreatic cancer, ayon sa ulat sa US.
Si D'Angelo, na ang tunay na pangalan ay Michael D'Angelo Archer, ay naging tanyag sa mga kantang “Brown Sugar” at “Untitled (How Does It Feel)”. Ang huli ay mas nakilala dahil sa kanyang kontrobersyal na music video kung saan umani siya ng malaking kasikatan.
Nakilala siya bilang isa sa mga nagpasimula ng neo-soul movement at nakatanggap ng mga Grammy Awards, kabilang ang Best Male R&B Vocal Performance at Best R&B Album para sa kanyang album na “Voodoo” noong 2000.
Maraming artista at kapwa musikero ang nagbigay ng respeto at pagpupugay sa kanya. Ayon sa pamilya, si D’Angelo ay “isang ilaw na nagbigay saya sa amin, ngunit ngayon ay nagpahinga na matapos ang kanyang matapang na laban sa sakit.”
Si D’Angelo, na ipinanganak sa Virginia, ay kilala rin sa kanyang pagiging pribado at bihirang maglabas ng bagong musika, ngunit bawat proyekto ay mataas ang pagtanggap ng fans at kritiko. Sa kabila ng kanyang pagiging tahimik, malaki ang iniambag niya sa musika at sa kulturang R&B at soul.