Ang pamahalaan ng Marikina City ay nag-anunsyo ng 2-day health break mula Oktubre 13 hanggang Oktubre 14. Ito ay dahil sa pagdami ng mga kaso ng flu at flu-like illness sa mga paaralan base sa rekomendasyon ng city health office.
Ayon sa pahayag ng LGU, ang hakbang na ito ay preemptive measure upang maprotektahan ang kalusugan at kapakanan ng mga mag-aaral, guro, at mga kawani ng paaralan. Layunin din nitong maiwasan ang pagkalat ng sakit at bigyan ng oras ang lahat para makapagpahinga.
Habang naka-health break, magsasagawa ng malawakang paglilinis at disinfection sa mga paaralan. Pinapayuhan din ang mga may karamdaman na manatili sa bahay, magpahinga, uminom ng maraming tubig, at agad kumonsulta sa doktor kung may nararamdaman na sintomas.
Noong Oktubre 10, ilang unibersidad sa Metro Manila ang nagsuspinde ng klase o lumipat sa online learning dahil din sa biglaang pagtaas ng mga kaso ng flu-like symptoms.