
Ang isang 31-anyos na abogada ay arestado sa Quezon City matapos hindi dumalo sa mga pagdinig ng kanyang kaso ng estafa sa Santiago City, Isabela. Nahuli siya sa isang restaurant sa Timog Avenue pasado alas-7 ng gabi, October 8.
Ayon sa pulisya, noong November 22, 2024 pa siya unang naaresto at nakapagpiyansa, pero hindi na dumalo sa mga hearing kaya muling inilabas ang warrant of arrest laban sa kanya.
Isa sa mga biktima ay mag-asawa na nagbigay ng ₱140,000 investment kapalit ng pangakong ₱5,600 kita kada linggo. Plano pa sanang magdagdag ng ₱70,000 ang mag-asawa nang pumayag ang suspek makipagkita, dahilan para maaresto ito ng mga awtoridad.
May apat pang nagreklamo matapos ang pagkaka-aresto, kabilang ang isang biktima na nagbigay ng halos ₱100,000 para sa serbisyo ng suspek pero wala palang naprosesong kaso. Dahil abogada ito, mas madali raw silang napaniwala sa mga legal na salita na ginagamit niya.
Aabot umano sa 27 katao mula Cagayan Valley ang nabiktima ng abogada. Nasa kustodiya na siya ng pulisya habang hinihikayat ang iba pang biktima na magsampa ng reklamo at maging mapanuri lalo na sa mga investment scam.