
Ang dalawang mangingisda na napaulat na nawawala matapos pumalaot noong Biyernes habang nanalasa ang Bagyong Opong sa Mansalay, Oriental Mindoro ay natagpuan na buhay sa San Agustin, Romblon.
Kinilala ang mga ito bilang si Adrian Evangelio, 20 anyos, at ang kanyang bayaw na si Kevin Amar, 25 anyos. Ayon kay Mayor Aaron James Madrona ng San Agustin, nakita sila ng mga lokal na mangingisda sa bahagi ng Corcuera Island habang mahina at dehydrated pa. Agad silang dinala pauwi at isinugod sa ospital para magpagaling.
Ayon sa asawa ni Kevin na si Rhea Amar, bandang alas-5 ng hapon noong Linggo nang matagpuan ang dalawa. Napansin umano ng ibang mangingisda ang ilaw sa kanilang bangka kaya nilapitan ito. Doon nila nakita sina Adrian at Kevin na hirap na sa katawan ngunit buhay.
Lubos ang pasasalamat ni Rhea sa pagkakaligtas ng kanyang mahal sa buhay. Aniya, “Nagpapasalamat ako kay Lord at tinugon Niya ang panalangin naming lahat. Sa wakas, ligtas silang natagpuan at kailangan na lang magpalakas.”
Kasama ring nabawi ang maliit nilang bangka na ginamit sa pangingisda.