
Ang halos lahat ng senador sa 19th Congress ay mayroong insertions na umabot sa P100 bilyon sa 2025 national budget, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson.
Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na nakita niya sa mga dokumento na may malalaking halaga ng insertions na inilagay para sa mga senador, na nakalagay pa bilang “for later release.” Dagdag niya, hindi pa kasama rito ang listahan ng mga kongresista na sangkot din umano.
Ayon kay Lacson, dati ay nasa daan-daang milyon lang ang nakikitang insertions, pero ngayon ay umabot na sa P100 bilyon. Bagama’t hindi ilegal ang insertions, nakakaduda raw kung bakit may tig-P5 hanggang P9 bilyon kada senador.
Binigyang-diin niya na ang ganitong sistema ay maaaring makaapekto sa ekonomiya at mga programang pang-gobyerno na dapat nakalaan para sa publiko. Aniya, dapat ayusin ang budget sa mga malalaking proyekto gaya ng imprastruktura, kabuhayan, at serbisyong panlipunan kaysa inuuna ang pansariling interes.
Tinawag ni Lacson na ito ang “original sin” sa budget system dahil kung walang insertions, halos wala nang pondo ang mga district engineering offices. Nanawagan siya na gamitin na lang ng mga mambabatas ang kanilang kapangyarihan para mag-amend ng pondo at i-review ang direksyon ng malalaking proyekto.