
Ang isang TNVS driver sa Bulacan ay naligtas matapos biktimahin ng carnapping at illegal detention ng apat na suspek nitong Setyembre 6.
Nag-book ang tatlong lalaki at isang babae gamit ang ride-hailing app mula Pampanga papuntang Bulacan. Pagdating sa Marilao, inagaw nila ang sasakyan at tinakpan ang mata ng driver.
Dinala ang biktima sa isang motel sa San Rafael kung saan siya ikinulong. Nakaligtas siya nang magbanyo ang bantay at tumalon mula sa ikalawang palapag. Kahit napilayan, agad siyang humingi ng tulong.
Agad na nagsagawa ng operasyon ang pulisya. Nahuli ang isang suspek sa Baliwag, habang ang babae ay sumuko sa istasyon ng pulis. Nahuli rin ang dalawang iba pa kinabukasan. Lahat ay nasa custodiya na ngayon.
Napag-alamang may dating kaso sa droga ang dalawang suspek. Ayon sa pulisya, posibleng mas malala ang nangyari kung hindi tumalon ang biktima. Kakaharapin nila ang kaso ng carnapping at serious illegal detention, na may katapat na parusang kulong at multa na aabot sa milyon piso.