Ang lungsod ng Mandaluyong ay naglunsad ng mas pinalawak na serbisyong pangkalusugan sa ilalim ng Yaman ng Kalusugan Program o Yakap sa Barangay. Layunin nitong magbigay ng libreng konsultasyon at health profiling sa mga accredited Yakap clinics, pati na rin PhilHealth registration, pag-update ng member data, at ID issuance sa mismong lugar.
Dinaluhan ito ng senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, at mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa isinagawang launch sa city hall.
Nakakuha ang mga kalahok ng libreng medical services tulad ng laboratory tests, complete blood count, chest X-ray, dental consultation, at eye checkup. Namigay rin ng oral health kits at gamot para sa mga nangangailangan.
Nagpasalamat si Mayor Menchie Abalos sa PhilHealth sa pagsuporta sa programa.
Dating kilala bilang Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta) program, ang Yakap ay nag-aalok ngayon ng mas malawak na serbisyong medikal at benepisyo para sa mga pamilyang Pilipino.