Ang suspek sa pagpatay sa dating football player ng Far Eastern University (FEU) na si Keith Absalon ay nahuli na ng mga awtoridad sa Masbate City. Kinilala ang suspek sa alyas na “Ka Jerome,” 36-anyos, miyembro ng New People’s Army (NPA), at number 1 most wanted sa rehiyon ng Bicol.
Hinuli siya sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Cawayan Exterior sa Masbate City noong hapon ng Agosto 6, 2025. Kasama sa operasyon ang mga tauhan ng CIDG-Masbate, Masbate Police, Army, at iba pang law enforcement units.
Si Ka Jerome ay may kasong 4-counts ng murder, 2 counts ng frustrated murder, isang attempted murder, at isang paglabag sa international humanitarian law. Isa siya sa mga itinuturong responsable sa pamamaslang kay Absalon at pinsan nito noong Hunyo 20, 2021.
Hindi na siya nakatakas nang palibutan ng mga operatiba ang kanyang tinutuluyang bahay. Nang manlaban, agad siyang naaresto.