
Ang isang 56-anyos na lalaki ay naaresto sa buy-bust operation sa Ermita, Maynila noong Agosto 1 matapos makuhanan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P544,000.
Ayon kay Maj. Salvador Iñigo Jr., nakatanggap sila ng tip mula sa isang confidential informant na nagsuplong sa suspek. Lumabas na dati itong may amo na tulak ng droga na unang naaresto noong Hulyo. Nang makulong ang amo, siya umano ang pumalit sa pagtutulak sa lugar.
Dagdag ni Iñigo, ang suspek ang nagiging source ng droga para sa mga nangangalakal sa Lawton area. Sa operasyon, nakumpiska ang dalawang plastic sachets na may lamang 80 gramo ng hinihinalang shabu.
Napag-alamang dati na ring nakulong ang suspek dahil sa kasong may kinalaman sa droga at nakalaya lamang noong nakaraang taon. Sa kabila nito, itinanggi niya na nagtutulak siya at iginiit na, “Gumagamit lang po ako, hindi po ako nagbebenta.”
Na-inquest na ang suspek noong Agosto 2 at nahaharap siya sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.