Ang isang lalaki na nagpanggap bilang NBI agent ay inaresto matapos masangkot sa isang road rage incident sa Quezon. Kinilala ang suspek na si Jay Ar Cabana, na una ay nagpakilala bilang Paul John Jimenez. Lumabas na may standing warrant siya para sa kasong syndicated estafa.
Nahuli siya ng mga operatiba ng NBI-Technical Intelligence Division matapos maging laman ng viral complaint sa programa ni Sen. Raffy Tulfo. Ayon sa reklamo, sinagasa umano ni Cabana ang isang motorcycle rider gamit ang SUV at nagpakita ng pekeng NBI badge habang nagbabanta. Makikita sa CCTV na sinubukan pa niyang tumakas matapos ang insidente.
Batay sa tala ng NBI, hindi miyembro ng ahensya si Cabana. Sa pag-aresto noong Hulyo 24, nakuha mula sa kanya ang iba’t ibang pekeng ID, kabilang ang isang NBI ID at badge. Siya ngayon ay nakapiit sa NBI detention facility sa Muntinlupa.
Bukod sa kasong syndicated estafa, haharapin din ni Cabana ang karagdagang kaso tulad ng usurpation of authority, illegal use of insignia, at paglabag sa Anti-Alias Law. Suspendido rin ang kanyang driver’s license ng 90 araw, at inatasang isuko ito bago mag Hulyo 30.