Ang bangkay ng babae na hinihinalang pinaslang ay natagpuan sa loob ng sako sa Antipolo City, Rizal noong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Rowena Del Carmen, 45-anyos, residente ng Barangay Bagong Nayon, Antipolo. Natagpuan ang katawan sa Sitio Lower Manalite I pasado alas-4:00 ng hapon.
Ayon sa ulat ng Antipolo Police, isang concerned citizen ang tumawag sa Police Community Precinct 2 matapos makaamoy ng masangsang na amoy sa lugar. Agad rumesponde ang mga pulis at natagpuan ang sako na may bangkay sa garbage area ng isang paupahang bahay.
Patuloy ang imbestigasyon matapos isiwalat ng isang alyas “Angel”, kapitbahay ng biktima, na ito ay nagkaroon ng alitan sa kanyang live-in partner bago ang krimen.
Nabunyag ang pangyayari matapos magreklamo ang mga residente dahil sa masamang amoy, dahilan upang inspeksyunin ng barangay ang pinagmumulan ng amoy na nauwi sa pagkakadiskubre ng bangkay.