Ang limang hinihinalang miyembro ng Salisi Gang ay naaresto sa NAIA Terminal 3 matapos ang ilang linggong pagsubaybay ng Pasay City Police, MIAA, at Airport Police Department. Sangkot umano ang grupo sa serye ng nakawan mula April 28 hanggang May 5.
Kadalasan ay umaatake ang grupo sa pagitan ng 10:00 PM hanggang 11:00 PM, kasabay ng palitan ng security personnel. Gumagamit sila ng distraction tactic—habang inaabala ng isang kasabwat ang pasahero, palihim namang kumikilos ang iba para kunin ang bag, cellphone, o gadget ng biktima.
Nabawi mula sa mga suspek ang dalawang cellphone at isang laptop. Sasampahan sila ng kasong theft, resistance and disobedience to person in authority, at attempted escape. Patuloy ang paalala ng otoridad sa mga pasahero na maging alerto sa kanilang paligid.