
Sampung pasahero ng MRT-3 ang nasaktan matapos mag-malfunction ang escalator sa Taft Avenue Station noong Marso 8.
Isang pasahero ang nagbahagi ng video sa Facebook noong Marso 9, na nagpapakita ng aftermath ng insidente.
"Everything's a blur at the time... pero pag gising ko kinabukasan, dun na lumabas yung sakit ng katawan na hindi ko naramdaman kahapon," pahayag ng pasahero.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr) noong Marso 11, nagkaproblema ang escalator dahil sa main drive chain nito.
Agad namang nagsagawa ng repair work ang MRT-3 staff matapos ang insidente, na natapos noong Marso 11 ng alas-5:33 ng hapon.
Sinabi rin ng DOTr na sasagutin nila ang mga gastos sa pagpapagamot, habang ang insurance company naman ay titingin kung may kailangang bayaran kaugnay sa mga nawawalang kita ng mga apektadong pasahero.
"Ang insidenteng ito ay nagpapatibay sa commitment ng DOTr na ipraybitisa ang mga imprastraktura ng transportasyon tulad ng MRT-3 para sa mas ligtas at mas maayos na biyahe ng mga commuter," dagdag ng ahensya.
‘Unacceptable’
Dahil sa tatlong araw na pagkaabala, napilitan ang mga pasahero na gumamit ng hagdan, na mahirap lalo na para sa mga senior citizen.
Ayon kay DOTr Sec. Vince Dizon, hindi dapat umabot sa tatlong araw ang pag-aayos ng mga equipment sa mga istasyon.
"I reviewed the contract, dapat, within 48 hours, gumagana na ulit ang kahit anong escalator, elevator o aparato sa MRT-3," sabi ni Dizon.
Hinihikayat naman ng pamunuan ng MRT-3 ang mga pasahero na i-report ang ganitong mga insidente sa kanilang hotline na 09957363129.
Pinayuhan rin nila ang kanilang maintenance provider na magsagawa ng masinsinang regular na maintenance para maiwasan ang ganitong mga insidente sa hinaharap.